Ang Pagtuklas
ANG MULING PAGTUKLAS Paano ito nawala
Ang Lugar ng Binyag ay isang pangunahing istasyon para sa mga Peregrino mula pa noong mga araw ni Juan Bautista. Kahit na namatay na siya, marami sa kanyang mga alagad ang nanatili sa lugar na siyang sinilangan ng Kristiyanismo. May mga simbahang itinayo malapit sa site, ang mga monghe ay nanirahan sa mga guwang, at ang mga peregrino ay bumisita sa lugar. Ang tradisyong ito ay nagpatuloy hanggang noong bandang ika-14 na Siglo. Sa pagkatalo ng kapangyarihan ng mga Krusado (Crusaders), at sa paghina ng Byzantine, ang lugar ay napabayaan at ang teritoryo ay muling napasailalim sa kontrol ng mga lokal na tribo. Ang Silangan ng Jordan ay hindi na ligtas na puntahan, at dahil walang garantiya ng kaligtasan, ang paglalakbay sa lugar ay naging madalang, hanggang sa ito ay tuluyang huminto.
Ang Pagtuklas sa Mapa ng Madaba
Isang iskolar mula sa Jerusalem ang nakatuklas sa Mapa ng Madaba [sa Madaba na kasalukuyang bahagi ng Jordan], noong 1897. Ang mapang ito ay isang musaiko (mosaic) mula sa ika-6 na siglo na naglalarawan ng mapa ng Gitnang Silangan noong panahong iyon. Ang pagtuklas at ang sumunod na pagsusuri sa mapa ay humantong sa isang panibagong interes tungkol sa eksaktong lokasyon ng Lugar ng Binyag. Ang mga peregrino ay nagsimulang bumalik sa lugar sa silangan ng Ilog Jordan sa pag-asang makakahanap ng mga pahiwatig sa lokasyon ng nasabing lugar.
Ika-20 Siglo
Isang lokal na Bedouin, si Shaykh Salih Yacoub, ang nakakaalala sa mga Kristiyanong peregrino na bumibisita sa lugar noong dekada 1920 (habang ang lugar ay nasa ilalim ng pamumuno ng Ottoman) at nagtayo ng isang simbahan. Ang Unang Digmaang Pandaigdig, ang pagbagsak ng Imperyong Ottoman, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang hidwaang Palestino-Israel kasama ang mga digmaan noong 1948, 1967, at 1973 ang naging dahilan upang ang Lugar ng Binyag ay maging isang “no-go area” sa halos kabuuan ng siglo.
Kasunduan sa Kapayapaan ng 1994
Ang Lugar ng Binyag ay isang sonang militarisado at puno ng mga landmine nang lagdaan ng Jordan at Israel ang kanilang kasunduan sa kapayapaan noong 1994. Ang kasunduan ay nagbigay-daan para sa paglilinis ng mga landmine sa lugar.
Isang Hindi Inasahang Pagkikita “Ang Prinsipe at ang Monghe”
Habang nasa isang personal na paglalakbay sa Bundok Nebo, nakatagpo ng Kanyang Kamahalan Prinsipe Ghazi bin Muhammad ang arkeologo at monghe na si Padre Piccirillo. Ipinaliwanag ni Padre Piccirillo sa Kanyang Kamahalan Prinsipe Ghazi ang kahalagahan ng Lugar ng Binyag, at ang posibilidad na hanapin ito ngayong nalagdaan na ang kasunduan sa kapayapaan. Nakipag-ugnayan ang Prinsipe Ghazi sa militar upang mabisita ang site. Sa kanilang pagbisita, nakatagpo sila ng mga disenyo ng mosaic at mga guho ng isang simbahan. Sapat na ito upang iutos ng Prinsipe Ghazi ang karagdagang imbestigasyon. Hindi nagtagal, isang pangkat ng mga arkeologo ang pinayagang makapasok sa site, at sa tulong ng impormasyong nakuha mula sa mga lokal na tribong Bedouin, marami pang arkeolohikong labi ang nagsimulang matuklasan: mga palayok, mosaic, guwang (caves), at marmol. Karamihan sa mga ito ay nasa isang maliit na burol na kilala ng mga lokal bilang ‘Burol ni Elias’ (Elijah’s Hill). Nang magsagawa ng karagdagang paghuhukay dito, natagpuan ang mga labi ng tatlong malalaking pool mula sa panahon ng Roma. Isang malawak na sistema ng tubig ang natuklasan, at pagkatapos ay ang mga labi ng isang malaking monasteryo na kinilala bilang isang monasteryo mula sa ika-5 siglo na itinayo ng isang monghe na nagngangalang Rhotorius.
Pagtuklas sa mga Simbahang Itinayo bilang Pag-alaala sa Binyag kay Hesus
Sa isang site malapit sa ilog Jordan, natagpuan ang mga labi ng mosaic; pagkatapos ay mga labi ng marmol; at pagkatapos ay mas marami pang labi. Sa kabuuan, natagpuan ang mga labi ng limang magkakaibang simbahan, na itinayo sa magkakahiwalay na panahon. Bakit itinayo ang mga simbahan sa partikular na lugar na ito sa limang magkakaibang pagkakataon? Ang mga simbahan bang ito ay inilarawan sa mga lumang dokumento? Ang mga katanungang ito, bukod sa iba pa, ay nangangailangan ng malinaw na kasagutan. Malinaw na tinutukoy ng Bibliya ang lugar kung saan sinimulan ni Juan na Tagapagpauna (the forerunner) ang kanyang ministeryo. Ito ay sa Betanya sa kabilang panig ng Jordan. Dumating si Juan sa espiritu at lakas ni Elias, na umakyat sa Langit sa silangan ng Jordan sa katapat ng Jerico. Pumunta si Hesus sa lugar kung saan nagbabautismo si Juan at bininyagan ni Juan. Kaya, ang mga simbahan bang ito ay itinayo sa partikular na lokasyong ito upang markahan ang mahalagang kaganapang ito?
Mga Salaysay ng mga Peregrino
Ipinapakita ng mga lumang salaysay ng mga peregrino kung gaano kalapit ang kanilang mga paglalarawan sa mga natuklasan:
Isinulat ni Theodosius (530 A.D.): “5 milya sa hilaga ng Dagat Patay ‘Sa lugar kung saan bininyagan ang Panginoon ay may isang haligi at sa haligi ay may nakakabit na krus na bakal, naroon din ang simbahan ni San Juan Bautista, na itinayo ni Emperador Anastasio: ang simbahang ito ay napakataas, dahil itinayo ito sa ibabaw ng malalaking silid, dahil sa pag-apaw ng Jordan.'” Ang mga labi ng mga poste kung saan itinayo ang simbahan ay natuklasan.
Apatnapung taon ang lumipas (570 A.D.), idinagdag ni Antoninus ng Piacenza: “Sa tabi ng Jordan, kung saan bininyagan ang Panginoon, sa lugar kung saan ang tubig ay bumabalik sa ilog, may mga hagdanang marmol na bumababa sa tubig.” Ang mga labi ng mga hagdanang marmol ay natagpuan din. Pagkaraan ng 100 taon, si Arculfus ng Pransya (670 A.D.) ay nagbigay ng mahahalagang tala, na nagsasabing: “Sa gilid ng ilog ay may isang maliit na parisukat na simbahan, na itinayo, ayon sa sabi-sabi, sa lugar kung saan iningatan ang mga kasuotan ng Panginoon sa oras na Siya ay bininyagan. Ito ay nakataas sa apat na arkong bato upang hindi maabot ng tubig na dumadaloy sa ibaba.” Makikita natin ang dalawang hilagang poste habang ang mga pundasyon lamang ng mga timog na poste ang natuklasan kamakailan. Dahil dito, sa plano ay mayroon tayong isang malaking “cruciform” (hugis krus) na pool ng binyagan, kung saan ang mga peregrino ay bumababa sa pamamagitan ng mga hagdanang marmol upang binyagan. Sa katunayan, ito ang tanging cruciform na binyagan sa mundo na gumamit ng tubig ng ilog Jordan para sa binyag.
Iba pang mahahalagang labi ang natagpuan din sa site; maaari na nating tukuyin ngayon ang dalawang basilika, na bahagyang itinayo sa mga labi ng Simbahan ni San Juan Bautista at may natatanging disenyo dahil nakaugnay ang mga ito sa pamamagitan ng mga hagdanang marmol sa silangan patungo sa monumental na cruciform baptistery na gumamit ng umaagos na tubig para sa binyag. Sa ibabaw nito itinayo ang “mantle church.” Binanggit ni Epiphanius (750-800 A.D.) ang isang dambuhalang simbahan (ang simbahan ng Trinidad) na itinayo sa pampang ng ilog, isang milya sa kanluran ng monasteryo ni San Juan Bautista (Burol ni Elias) kung saan siya nanatili nang magdamag.
Matapos ang pagkawasak ng 4 na simbahang nabanggit sa itaas, isang kapilya ang itinayo sa mga labi ng hilagang-kanlurang poste. Isinulat ni Abbot Daniel (1106-1107 A.D.): “Ang lugar kung saan bininyagan si Kristo ay malayo sa ilog Jordan nang kasindami ng layo ng kayang ihagis ng isang tao ang isang maliit na bato. Mayroong isang maliit na kapilya na may altar. Ito ang nagmamarka sa lugar kung saan bininyagan ni Juan na Tagapagpauna ang ating Panginoong Jesu-Kristo.”Ang pagkakasunod-sunod ng mga simbahang may natatanging disenyo sa gilid ng ilog ay isang patotoo sa puwersa ng kalikasan at sa determinasyon ng mga naniniwala na magtayo ng mga natatanging alaala sa lugar na pinaniniwalaan nilang bininyagan si Hesus. Sa aming kagalakan, ang aming mga katanungan ay nasagot at ang muling pagtuklas ay ganap na.

